SENIOR HIGH SCHOOL, NAIS IBASURA NI SEN. ROBIN PADILLA



Isinusulong ni Senador Robin Padilla ang pag-alis ng Senior High School (SHS) at ang pagbabalik sa dating sistema ng edukasyon sa Pilipinas.

Ayon sa senador, nagiging dagdag na pasanin lamang para sa maraming Pilipino at estudyante ang dalawang karagdagang taon sa ilalim ng K to 12 program.

Aniya, isa rin ito sa mga dahilan kung bakit may mga mag-aaral na hindi na nakakapagtapos ng kanilang pag-aaral.

Sa kanyang panukala, nais niyang amyendahan ang Republic Act No. 10533 o ang Enhanced Basic Education Act of 2013 upang maibalik ang dating estruktura ng basic education system na Kindergarten, anim na taon ng elementarya, at apat na taon ng high school.

Samantala, nauna nang nagpahayag ng pangamba ang Contact Center Association of the Philippines (CCAP) hinggil sa kahandaan ng ilang SHS graduates para sa trabaho, partikular sa industriya ng business process outsourcing (BPO).

Kasabay nito, nanawagan ang grupo na i-update ang kasalukuyang curriculum upang makasabay sa mabilis na pag-unlad ng artificial intelligence (AI) at iba pang makabagong teknolohiya.

Umani naman ng magkakaibang reaksyon mula sa publiko ang panukala ni Padilla.
May mga sumusuporta sa pag-alis ng SHS upang mabawasan ang gastos at haba ng pag-aaral, habang may ilan namang naniniwalang mas mainam na pagbutihin ang implementasyon at kalidad ng programa kaysa tuluyang alisin ito.




Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento

Hanapan ang Blog na Ito