Patay ang
isang ginang habang sugatan naman ang kanyang mister matapos silang paputukan
ng mga sundalo ng Philippine Army 88th Infantry Battalion (88IB) sa Malaybalay
City, Bukidnon.
Ayon sa ulat,
nagsasagawa ng security operations ang mga militar sa isang liblib na bahagi ng
bukid nang makasalubong nila ang mag-asawa. Pinaghinalaan umano ng mga sundalo
na armado ang dalawa at posibleng may kaugnayan sa isang rebeldeng grupo.
Sinabi ni Lt.
Col. Arnold Bautista na sinubukan ng mga sundalo na i-verify ang
pagkakakilanlan ng mag-asawa. Gayunman, ayon sa kanya, mabilis umanong tumakbo
ang mga ito, dahilan upang lalo silang mapaghinalaan.
Dagdag pa ni
Bautista, inakala rin ng mga sundalo na may dalang .22-caliber rifle ang
lalaking biktima at magpapaputok sa kanila, kaya inunahan nila itong barilin.
Dahil sa
insidente, agad na nasawi ang babae habang ang kanyang asawa ay nagtamo ng mga
sugat at isinugod sa ospital para sa agarang lunas.
Sa
isinagawang paunang imbestigasyon, lumalabas na nangangahoy lamang umano ang
mag-asawa. Ang kanilang nakalap na kahoy ay balak sana nilang ibenta upang
makabili ng school supplies para sa kanilang mga anak.
Kasalukuyan
namang nasa kustodiya ng mga awtoridad ang walong sundalong sangkot habang
nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon sa nangyaring pamamaril.
Tiniyak naman
ni Bautista na kung mapatutunayang may paglabag sa umiiral na military
protocols, mananagot ang mga responsable.
“We deeply
regret what happened and will do everything possible to help the family
affected by this tragedy,” ayon kay Bautista.

0 Mga Komento