Nagpahayag ng
pagkabahala ang Gabriela Women’s Party kaugnay ng nag-viral na kaso ng isang
babae na nagsabing namatay ang kanyang asawa matapos hindi maisagawa ang
kinakailangang operasyon para sa brain hematoma dahil sa mataas na gastos.
Ayon kay
Gabriela Representative Sarah Elago, ipinapakita ng insidente ang mga
kakulangan sa sistemang pangkalusugan sa bansa, kabilang ang kakulangan ng
pondo para sa mga pampublikong ospital at limitadong access ng mga mamamayan sa
serbisyong medikal.
Sa viral na
Facebook post ni Maria Lourdes Sulit, ibinahagi niyang pumanaw ang kanyang
asawang si Marvin matapos hindi nila kayaning tustusan ang operasyong
nagkakahalaga umano ng dalawa hanggang apat na milyong piso.
Sinabi rin ni
Sulit na hindi nabawasan ng benepisyo mula sa PhilHealth ang kanilang mahigit
dalawang daang libong pisong bayarin sa ospital dahil wala pang dalawampu't
apat na oras na naka-confine ang kanyang asawa bago ito namatay.
Nilinaw naman
ng PhilHealth na may nakalaang benepisyo para sa mga pasyenteng namamatay kahit
hindi umabot sa dalawampu't apat na oras ang pananatili sa ospital.
Ayon kay
PhilHealth Senior Vice President Israel Paragas, posibleng hindi lamang
naiproseso o naipatupad nang maayos ng ospital ang benepisyong maaaring
matanggap ng pasyente.
Dagdag pa
niya, kung naisagawa ang operasyon, maaari sanang makatanggap ng tulong mula sa
PhilHealth na aabot sa pitumpu't tatlong libo hanggang isang daan at walong
libong piso.
Patuloy
namang pinag-uusapan ng publiko ang insidente, kasabay ng panawagan para sa mas
maayos at mas abot-kayang serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino.

0 Mga Komento