Posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong weekend ang tropical storm na may international name na “Hagupit,” ayon sa PAGASA.
Kapag tuluyan itong nakapasok sa PAR, tatawagin ang bagyo sa local name na “Caloy.”
Batay sa 5 a.m. tropical cyclone advisory ng PAGASA, namataan ang sentro ng “Hagupit” sa layong 1,995 kilometro silangan ng Northeastern Mindanao habang nasa labas pa ng PAR.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour at pagbugsong hanggang 80 kph habang kumikilos pakanluran sa bilis na 20 kph.
Inaasahan ding lalakas pa ang nasabing bagyo sa susunod na 48 oras, ngunit posible ring humina habang nasa bahagi ng Philippine Sea dahil sa hindi kanais-nais na kondisyon ng panahon.
Sa ngayon, sinabi ng PAGASA na mababa pa ang tsansang magdulot ito ng direktang epekto sa bansa sa loob ng susunod na tatlong araw.

0 Mga Komento