DOH PATULOY NA NAKABANTAY SA EPEKTO NG HANTAVIRUS OUTBREAK

 



Patuloy na naka-monitor at naghahanda ang Department of Health (DOH) sa anumang posibleng epekto ng hantavirus outbreak, lalo na kaugnay ng 38 Pilipinong tripulante ng MV Hondius na hinihiling na makauwi sa Pilipinas.

 

Sa isang pahayag sinabi ni DOH spokesperson Undersecretary Albert Domingo, may kakayahan ang bansa na mag-test ng hantavirus gamit ang PCR machines na ginamit noong pandemya, kailangan lamang palitan ang “primer.” Mayroon ding tatlong institusyon sa bansa na may electron microscope na maaaring makatulong sa pagtukoy ng virus.

 

Nakikipag-ugnayan ang DOH sa Bureau of Quarantine (BOQ), na patuloy na nagmomonitor ng mga border ng bansa, at sa mga katapat na ahensya sa ibang bansa sa ilalim ng International Health Regulations (IHR).

 

Inihayag din nito na ipatutupad ang mahigpit na health protocols sa MV Hondius na kasalukuyang may 38 Pilipinong crew, at nasa Canary Islands sa Spain. Kapag natiyak ng mga awtoridad na ligtas ang mga crew, susundin pa rin ang mahigpit na proseso bago sila payagang makauwi sa Pilipinas sa gabay ng World Health Organization (WHO).

 

Ayon sa ulat, tatlong pasahero ng barko ang namatay at isa ang nasa kritikal na kondisyon dahil sa infection. Sinabi naman ng Department of Migrant Workers na ang 38 Pilipinong crew ay nananatiling walang impeksyon at nasa maayos na kalagayan.

 

Nagpaalala rin ang ahensya sa publiko na panatilihin ang kalinisan upang maiwasan ang hantavirus, na naipapasa sa tao sa pamamagitan ng ihi, dumi, o laway ng infected na daga. Pinayuhan ang publiko na huwag magwalis nang tuyo kapag may posibleng kontaminasyon at gumamit ng basang pamunas at proteksyon.

 

Samantala ayon sa DOH at World Health Organization (WHO), ang hantavirus ay bihira, hindi madaling maipasa mula tao sa tao, at mababa ang risk sa publiko, ngunit maaari itong maging malubha at walang tiyak na lunas, kaya ang paggamot ay nakatuon sa pag-alis ng sintomas.

 

✍TERESA IGUID

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento

Hanapan ang Blog na Ito