VIDEOKE SESSION, HANGGANG ALAS-10:00 NG GABI NA LAMANG

 


Ipinahayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na ipatutupad ang pagbabawal sa mga videoke session lampas alas-10 ng gabi bilang bahagi ng pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa mga komunidad.

Sa isang press briefing, binigyang-diin ni Remulla ang kahalagahan ng pagkakaroon ng konsiderasyon sa kapwa, lalo na sa mga residente na nagpapahinga na sa nasabing oras.

Ayon sa kalihim, ang labis na ingay mula sa videoke ay isa sa mga karaniwang sanhi ng alitan sa mga barangay.

Pinayuhan din ang publiko na maaaring tumawag sa 911 upang i-report ang mga lumalabag sa patakaran. Dagdag pa niya, agad na tutugunan ng mga kinauukulan ang mga reklamo upang masiguro ang pagsunod sa umiiral na alituntunin.

Gayunpaman, nilinaw ng kalihim na may mga exception sa nasabing patakaran kung saan pahihintulutan ang videoke lampas alas-10 ng gabi sa panahon ng mga pista at iba pang espesyal na okasyon, basta’t may kaukulang permit mula sa barangay.

Ang nasabing hakbang ay bahagi ng mas pinaigting na pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa ukol sa noise control upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa mga pamayanan.

 

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento

Hanapan ang Blog na Ito