DSWD, MAGBIBIGAY NG ₱5K CASH AID SA PUJ, TAXI AT TNVS DRIVERS


 

Nakatakdang tumanggap ng ₱5,000 cash assistance ang bawat driver ng pampublikong sasakyan sa Western Visayas, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Pinalawak ng ahensya ang kanilang programang ayuda upang maisama ang mga public utility jeepney (PUJ), taxi, at transport network vehicle service (TNVS) drivers bilang mga benepisyaryo.

Ayon sa DSWD, sisimulan ang pamamahagi ng naturang ayuda sa Abril 16, matapos makumpleto ang paunang payout para sa mga tricycle driver sa Iloilo City, Passi City, Roxas City, at iba pang munisipalidad sa rehiyon.

Nilinaw rin ng ahensya na tanging mga driver na may opisyal na prangkisa na inisyu ng kani-kanilang local government units (LGUs) ang kwalipikadong makakatanggap ng tulong, bilang hakbang upang maiwasan ang dobleng pagbibigay ng benepisyo.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang validation at de-duplication ng listahan ng mga benepisyaryo na isinumite ng mga LGU. Hinihintay din ng DSWD ang karagdagang mandato mula sa central office upang matiyak ang maayos at sistematikong proseso ng pamamahagi.

Ang nasabing cash assistance ay bahagi ng hakbang ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng kasalukuyang krisis, lalo na sa sektor ng transportasyon, na pinalala ng tensyon sa Middle East.

 

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento

Hanapan ang Blog na Ito