Isinusulong ngayon sa Kongreso ang panukalang Agapay sa Hanapbuhay at Operasyon ng Negosyo (AHON) bilang solusyon sa epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Ayon kay
Manila Rep. Rolando Valeriano, layunin ng AHON na magbigay ng direktang tulong
sa mga manggagawa, middle class, at mga micro, small, and medium enterprises
(MSMEs) na labis na naapektuhan ng krisis sa enerhiya.
Sa ilalim ng
panukala, kabilang sa mga pangunahing ayuda ang pagbibigay ng ₱3,000 tax-free
wage support para sa mga minimum wage earners at mababang kita, gayundin ang
interest-free loans na hanggang ₱250,000 para sa MSMEs upang makatulong sa
pagpapatuloy ng kanilang operasyon.
Bukod dito,
maglalaan din ng mga hakbang tulad ng tax credits para sa mga sektor ng
transportasyon at logistics na apektado ng mataas na fuel cost, ₱500 diskwento
sa LPG para sa mga kabahayan at negosyo, pansamantalang suspensyon ng
disconnection ng utilities, at pagpapaluwag sa pagbabayad ng mga utang sa
bangko.
Iginiit ng
mambabatas na mas angkop ang AHON kaysa sa panukalang Bayanihan 3 dahil ito ay
mas nakatuon sa kasalukuyang problema sa presyo ng enerhiya at sa agarang
pangangailangan ng mga Pilipino.
Dagdag pa dito,
layunin ng programa na tulungan ang mga mamamayan na “makaahon sa kinakaharap
na krisis,” lalo na ang mga sektor na pinakaapektado ng pagtaas ng gastusin sa
araw-araw.
0 Mga Komento