Naglabas ng
kontrobersyal na pahayag ang miyembro ng 2NE1 na si Park Bom matapos niyang
igiit na ginamit umano siya bilang “cover-up” sa isyu ng ilegal na droga na
kinasangkutan daw ng ka-miyembro niyang si Sandara Park.
Sa isang
social media post na kalaunan ay binura, binalikan ni Bom ang kaniyang 2014
drug controversy kung saan inakusahan siyang nag-aangkat ng Adderall sa South
Korea noong 2010. Bagama’t sinuspinde ng mga awtoridad ang kaso, nanatili itong
bahagi ng kaniyang kontrobersyal na nakaraan.
Sa naturang
liham, iginiit ni Bom na ang Adderall ay nireseta sa kaniya para sa Attention
Deficit Disorder (ADD) at hindi ito ilegal na droga para sa kaniya.
“It is not a
drug. I am an ADD patient, something called Attention Deficit Disorder. Sandara
Park was caught for drug abuse, and to cover that up, they turned the
medication into something labeled as a drug scandal involving me”, anito.
Dahil dito,
nanawagan si Bom sa publiko na imbestigahan ang umano’y katotohanan sa likod ng
isyu.
Gayunman,
ayon sa isang Korean media outlet, sinabing naisulat umano ang liham noong
hindi stable ang kondisyon ng singer. “As you know, this incident occurred due
to Park Bom’s unstable health. We ask for your understanding,” ayon sa pahayag.
Hindi ito ang
unang pagkakataon na nasangkot sa kontrobersiya si Bom. Noong 2024, naglabas
din siya ng alegasyon tungkol sa kaniyang personal na buhay, kung saan iginiit
niyang asawa niya ang aktor na si Lee Min-ho—isang pahayag na naging
usap-usapan noon.
Sa
kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag si Sandara Park kaugnay sa paratang.
0 Mga Komento