MAAGANG PUMASOK, SINIBAK SA TRABAHO? EMPLEYADO SA SPAIN, MAY KAKAIBANG KASO

 



Isang 22-anyos na empleyado sa Spain ang nawalan ng trabaho matapos umanong paulit-ulit na pumasok nang mas maaga kaysa sa kaniyang itinakdang oras.

Alas-7:30 ng umaga ang official start ng kaniyang shift, pero madalas umano siyang dumating nang 40 minuto bago ang oras ng kaniyang trabaho.

Ilang beses na rin siyang binalaan at binigyan ng written warnings ng kaniyang employer.

Pero sa kabila nito, ipinagpatuloy pa rin niya ang kaniyang nakagawiang pagpasok nang maaga.

Dahil dito, sinibak siya sa trabaho dahil sa umano'y serious misconduct at hindi pagsunod sa mga instruction ng kompanya.

Hindi naman ito pinalampas ng empleyado at idinulog ang kaso sa Social Court of Alicante, kung saan kinuwestiyon niya ang legalidad at pagiging makatarungan ng kaniyang pagkakatanggal.

Ngunit sa pagdinig, lumabas na ilang beses din siyang nagtangkang mag-log in sa company app bago pa man siya makarating sa opisina.

May iba pang alegasyon laban sa kaniya, kabilang na ang pagbebenta ng mga secondhand car battery na pagmamay-ari ng kompanya nang walang pahintulot.

Sa huli, kumampi ang korte sa employer.

Ayon sa korte, hindi ang pagiging “sobrang punctual” ang problema, kundi ang paulit-ulit na hindi pagsunod sa malinaw na workplace rules at instructions, kahit ilang beses na siyang nabigyan ng babala.

Sa ilalim ng Article 54 ng Workers' Statute ng Spain, maaaring maging grounds for disciplinary dismissal ang seryoso at culpable na paglabag sa mga obligasyon ng isang empleyado.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento

Hanapan ang Blog na Ito