FINGERPRINT AT FACE SCAN, IMINUNGKAHING KAPALIT NG OTP SA MGA BANGKO

 



Hinikayat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga bangko at iba pang financial institutions sa bansa na unti-unti nang alisin ang paggamit ng One-Time Passwords (OTPs) sa mga financial transactions at palitan ito ng biometric authentication methods tulad ng fingerprint at facial recognition.

Ayon sa BSP, mas ligtas ang biometric authentication dahil direktang bini-verify ang pagkakakilanlan ng customer sa loob ng secure backend system ng bangko, sa halip na umasa sa seguridad ng mobile device ng isang indibidwal.

Dagdag pa ng ahensya, sa pamamagitan ng biometrics ay mas mabilis matutukoy ng mga bangko kung ang isang gumagamit ay hindi tumutugma sa kanilang records, kahit na mawala, manakaw, o mapalitan ang cellphone ng customer.

Marami namang netizens ang sumang-ayon sa panukalang ito, dahil mas magiging madali at hassle-free umano ang pag-access ng banking services, lalo na para sa mga nasa remote areas kung saan madalas na nagkakaroon ng delay sa pagtanggap ng OTP.

Gayunman, kinilala rin ng BSP na hindi pa rin ganap na ligtas ang biometric systems dahil maaari pa rin itong maapektuhan ng mga sopistikadong deepfake technologies.

Dahil dito, inirekomenda ng ahensya na samahan ang biometric authentication ng iba pang security measures tulad ng behavioral checks, human review, at secure fallback options upang higit na maprotektahan ang mga kliyente ng mga bangko.

 

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento

Hanapan ang Blog na Ito