CEBU PACIFIC, PANSAMANTALANG ITITIGIL ANG ILANG INTERNATIONAL FLIGHTS DAHIL SA MATAAS NA PRESYO NG LANGIS

 



Inanunsyo ng Cebu Pacific ang pansamantalang pagsuspinde ng ilan sa kanilang international flights bilang bahagi ng hakbang upang mabawasan ang fuel consumption at gastusin sa operasyon.

 

Ayon sa airline, maaapektuhan ang ilang ruta at flight frequency mula sa mga pangunahing hub nito sa Cebu, Clark, Davao, Iloilo, at Maynila. Ang desisyong ito ay bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na umano’y higit sa doble kumpara noong nakaraang taon.

 

Kabilang sa mga rutang pansamantalang ititigil ang biyahe sa pagitan ng Davao at Bangkok mula Abril 13 hanggang Oktubre 23. Sa panahong ito, tanging isang international flight na lamang ang magseserbisyo sa Davao.

 

Gayundin, isususpinde ang flights sa pagitan ng Iloilo at Bangkok mula Abril 17 hanggang Oktubre 24, kung saan isa na lamang na international flight ang mananatili sa Iloilo.

 

Samantala, tiniyak ng Cebu Pacific na may mga option ang mga apektadong pasahero. Maaari silang mag-rebook ng kanilang flights nang walang bayad sa loob ng 30 araw mula sa orihinal na schedule, i-convert ang halaga ng kanilang ticket sa travel credits, o mag-request ng full refund.

 

Patuloy namang mino-monitor ng airline ang sitwasyon ng presyo ng langis at ang epekto nito sa kanilang operasyon.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento

Hanapan ang Blog na Ito