BABAE SA INDIA, KINASUHAN ANG ASAWA MATAPOS MALAMANG KALBO PALA ITO


 

Nagsampa ng kaso sa pulisya ang isang babae sa northern Indian city ng Noida laban sa kaniyang asawa at apat nitong kamag-anak dahil sa umano’y panloloko.

 

Ayon sa ulat, pumayag na magpakasal si Lavika Gupta kay Sanyam Jain matapos siyang pakitaan ng isang maayos at kaaya-ayang profile. Kalaunan, napag-alaman umano niya na hindi ito tumutugma sa totoong pagkatao at kalagayan ng lalaki.

 

Kabilang sa kaniyang mga reklamo ang pangakong ang kaniyang mapapangasawa ay may makapal at magandang buhok, ngunit matapos ang kasal ay nadiskubre niyang kalbo pala si Jain at nagsusuot lamang ng hairpiece upang itago ito.

 

Inilahad din ni Gupta na pineke umano ang edukasyon ng kaniyang asawa. Sa mga dokumentong ipinakita sa kaniya, nakasaad na nakapagtapos ito ng Bachelor’s degree in Commerce, subalit lumabas na sekondarya lamang ang natapos nito. Dagdag pa niya, hindi rin umano totoo ang ipinahayag na kita o sahod ng lalaki.

 

Bukod dito, inireklamo rin ni Gupta na pinagbantaan siya ng asawa na ilalabas ang kaniyang mga pribadong larawan. Inakusahan din niya ang lalaki ng pananakit sa kaniya habang nasa isang biyahe sa ibang bansa at ng pamimilit na magpuslit ng marijuana mula Thailand patungong India.

 

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay ng mga reklamong inihain ni Gupta laban sa kaniyang asawa at mga kamag-anak nito.

Post a Comment

0 Comments

Search This Blog