Kinahangaan ng mga netizens ang kabutihang-loob ng Kapamilya actress at vlogger na si Ivana Alawi matapos mag-viral ang kaniyang bagong vlog na tumutulak sa kabaitan at malasakit sa kapwa.
Sa naturang video, nagpanggap si Ivana bilang buntis na babae na humihingi ng pera para may mabiling pagkain. Ang content ay bahagi ng social experiment na layong ipakita kung paano tatratuhin ng mga tao ang isang buntis, lalo na kung kapos ito sa pera.
Isa sa mga nakaantig ng puso ng aktres ay si “Kuya Hesus”, na kahit P15 lamang ang laman ng kaniyang bulsa ay hindi nagdalawang-isip na ibigay ang P10 kay Ivana.
“Saan ka ba makakakita ng ganoon… ibibigay pa ang P10, P5 na lang ang matitira sa kanya,” ani Ivana.
“Naniniwala ako mabait ang puso ni Kuya Hesus.”
Dahil sa ipinakitang kabutihan ng lalaki, agad itong sinuklian ng aktres ng pagkain, mga damit, at nag-alok ng medical treatment para sa kaniyang karamdaman. Bukod dito, nangako rin si Ivana na bibigyan si Kuya Hesus ng P100,000 bilang panimulang tulong sa buhay.
Nanawagan din ang aktres sa mga kaanak ni Kuya Hesus na makipag-ugnayan sa kaniyang team upang higit pa itong matulungan.



0 Comments