Inirereklamo ng isang pasahero ang isang pampasaherong bus dahil sa umano’y bulok na serbisyo nito.
Sa isang post ng Sangkay Janjan TV Official, ipinahayag ang labis na pagkadismaya sa naturang bus na umano’y walang gumaganang aircon, taliwas sa mga larawang ipinapakita nito online.
Makikita sa ibinahaging video ang isang ina na hirap na hirap patahanin ang kaniyang anak dahil sa matinding init sa loob ng sasakyan. May ilang pasahero ang nag-alok ng portable fan, subalit hindi pa rin nito kinaya ang init sa loob ng bus.
Ayon pa sa post, tila hindi naging prayoridad ng kumpanya ang kapakanan ng mga pasahero dahil sa kawalan ng agarang tugon sa problema.
“Ang malala pa, nang tumawag ang mga staff ng parentahan, imbes na solusyunan ang sitwasyon at unahin ang kapakanan ng mga sakay, inuna pa ang paniningil. Ginigipit ang mga pasahero na kung hindi magbabayad ay hindi aandar ang sasakyan,” mababasa sa post.
Dahil sa sitwasyon, napilitan na lamang magbayad at magtiis ang mga pasahero sa hindi kanais-nais na kondisyon ng biyahe.
Dahil dito, nananawagan ang uploader sa pamahalaan na magsagawa ng agarang aksyon kaugnay ng insidente.
0 Comments