[TRIGGER WARNING: SENSITIVE CONTENT]
Matagumpay na nasagip ang 12 miyembro ng isang pamilya, kabilang ang isang buntis, matapos umano nilang tangkaing tapusin ang sariling buhay sa isang simbahan sa Sitio Lipata, Barangay Gibitngil, bayan ng Medellin, sa hilagang bahagi ng Cebu.
Batay sa imbestigasyon ng Medellin Municipal Police Station, nakaranas umano ng matinding trauma ang pamilya bunsod ng naranasang 6.9-magnitude na lindol, dahilan upang makaisip umano silang wakasan ang kanilang buhay. Ayon sa pulisya, agad silang rumesponde sa lugar kasama ang lokal na pamahalaan at ang Municipal Social Welfare and Services Office (MSWDO) matapos makatanggap ng impormasyon ukol sa insidente. Pagdating sa lugar, nadatnan nila ang pamilya — kabilang ang isang buntis at isang walong taong gulang na bata — na labis ang takot at tila hindi na makausap ng maayos. Napag-alamang itinapon pa ng grupo ang mga ibinigay na food pack at hindi kumakain mula nang tumama ang lindol. Kinilala ang lider ng grupo na si Rene Barro, na nagpatunay sa kanilang kalagayan.Samantala, nagtamo naman ng sugat sa leeg ang ama ng pamilya matapos tangkaing saktan ang sarili. Agad itong dinala sa ospital para sa agarang lunas.
Isinailalim naman sa Psychological First Aid (PFA) ang mga miyembro ng pamilya sa tulong ng medical team mula Maynila upang maiwasan ang mas malalang insidente.
Ayon kay psychologist Lucille Foja Lozano, normal lamang makaranas ng trauma, takot, at labis na kalungkutan matapos ang malalakas na sakuna. Dagdag pa niya, mahalagang unahin ang kalusugang pangkaisipan at humingi ng propesyonal na tulong kung kinakailangan.

0 Comments