VIRTUAL ASSISTANT SA SAMPALOC, MANILA, INIREREKLAMO SA UMANO’Y ONLINE SCAM

 



Nahaharap sa kaliwa’t kanang reklamo ang isang 26-anyos na virtual assistant sa Sampaloc, Manila matapos umano nitong ma-scam ang 16 na indibidwal na kaniyang na-recruit para magtrabaho sa kanya.

Ayon sa ulat, dalawang buwan nang hindi binabayaran ng suspek ang mga trabahador sa kabila ng kanilang patuloy na pagtatrabaho. Sa kabuuan, 16 katao ang na-recruit ng babae, ngunit pito sa kanila ang nagsampa na ng reklamo sa barangay.

Kuwento ng mga biktima, naengganyo silang mag-apply sa home-based job nitong Agosto dahil sa pangakong sweldong 3 hanggang 8 US dollars kada oras, o katumbas ng hanggang ₱30,000 kada buwan.

Ngunit kalaunan, nabahala sila nang walang kontratang ibinigay, at sa halip ay pinagawa sila ng introduction video bilang bahagi ng umano’y job interview. Bukod dito, pinagbabayad pa umano sila ng ₱2,000 para sa laptop at iba pang work materials.

“No’ng una, ‘too good to be true’ ‘yung sweldo pero nag-take po ako ng risk. Akala ko po hindi aabot sa ganito,” ani ng isa sa mga biktima.

Sa panig ng inakusahang virtual assistant, inamin nito na maging siya ay biktima rin ng isang online agency. Sinunod lamang umano niya ang mga ibinigay na instruksyon ng nasabing agency, nang hindi alam na ito pala ay isang modus ng panloloko.

Dahil dito, nagpaalala ang mga opisyal ng barangay na maging maingat sa pag-a-apply sa online jobs, lalo na kung may hinihinging bayad bago ang opisyal na employment.

“Iyon ang sinasabi ko, parang magulo. Eh bakit nagre-recruit pa siya ng panibago? ‘Wag tayo basta naniniwala lalo na kung humihingi ng pera. Marami nang naloloko,” pahayag ng punong barangay.

Samantala, humingi ng paumanhin ang naturang virtual assistant sa kaniyang mga na-recruit at nangakong ibabalik ang hindi pa nababayarang sweldo ng mga ito.

Post a Comment

0 Comments

Search This Blog