Hinuli ng mga operatiba ng Bangko Sentral ng Pilipinas
(BSP) at ng pulisya ang isang grupo na umano’y gumagawa ng singsing gamit ang
baryang P10 sa Paliton Beach, San Juan, Siquijor.
Ayon sa BSP, ibinebenta ng grupo ang natapos na singsing
mula sa barya ng P1,500 bawat isa.
Anila, kadalasan nilang inialok ito sa mga turistang bumibisita
sa lugar at aktwal nila itong ginagawa sa loob lang ng 40-minuto.
Dagdag pa rito, halos 20 hanggang 30 jewelry rings ang
kanilang nagagawa sa loob lamang ng isang araw gamit ang baryang P10.
Sinabi pa ng BSP na kumikita ng halos P50,000 bawat araw
ang naturang grupo.
Kung matatandaan, isang turista ang nagbahagi ng video
kung saan tampok rito ang pag-alok sa kaniya ng isang lalaki na gawan siya ng
singsing mula sa baryang P10.
Sa video, makikita ang aktwal na pagsira ng lalaki sa baryang
P10 tsaka tinanggal ang inner core at ginawang singsing.
Nag-viral naman ang naturang video sa social media kung
saan maraming netizen ang nagsabing bawal ang nasabing hakbang sa BSP.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 247
ang mga suspek dahil sa pagsira nila sa mga legal tender coins.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng San Juan Municipal
Police Station sa Siquijor ang mga naarestong suspek.
0 Comments