Hindi maikakaila na kilala ang Pilipinas sa may
pinakamayamang kultura at paniniwala tulad nang taun-taon na pagdiriwang ng mga
kapistahan na dinarayo pa ng iba’t ibang mga dayuhan.
Tuwing buwan ng Enero, tatlong malalaking selebrasyon ang
ipinadiriwang sa bans ana dinadagsa ng mga turista. Ito ang Ati-Atihan Festival
sa Kalibo, Aklan; Sinulog Festival sa Cebu City; at Dinagyang Festival sa
Iloilo City.
Pero ano nga ba ang pinagkaiba ng tatlong selebrasyon?
Ang Ati-Atihan Festival sa Aklan ay ipinagidiriwang
tuwing ikatlong Linggo ng Enero taun-taon. Binansagan din itong “The Mother of All
Philippine Festivals”.
Nag-ugat ito mula sa kasaysayan ng mga Malay na Datu na
nakipagkaibigan sa mga Ati, ang katutubong mamamayan ng Panay.
Maraming mga dayuhan at turista ang dumarayo sa naturang
selebrasyon upang saksihan ang makasaysayang “Sadsad” ng mga Ati at ng
modernong Ati.
Sa saliw ng malalakas na tambol at sigaw na "Hala
Bira!" ang mga tao ay nagkakaisa sa masiglang pagsayaw sa kalsada. Ang
kultural at relihiyosong aspeto ng selebrasyon ay sumasalamin sa pagtanggap ng
Kristiyanismo at pagkakaisa ng mga tao bilang pagpaparangal sa Sto. Niño.
Habang, idinaraos naman sa Cebu City ang Sinulog
Festival tuwing ikatlong Linggo ng Enero. Tampok dito ang tradisyunal na
sayaw na "Sinulog," na sumisimbolo sa alon ng tubig — isang paalala
sa pagdating ng Kristiyanismo sa Cebu noong 1521.
Ang mga kalahok, na nakasuot ng makukulay na kasuotan, ay
sumasayaw sa ritmo ng tambol habang isinisigaw ang "Pit Señor!"
bilang tanda ng debosyon sa Sto. Niño. Ang lingguhang pagdiriwang ay binubuo ng
mga misa, prosesyon, at isang malaking street dancing parade na dinadaluhan ng
libu-libong deboto at turista.
Samantala, sa Iloilo City naman ay ang Dinagyang Festival
na ipinagdiriwang tuwing ikaapat na Linggo ng Enero. Nagsimula ito noong 1967
nang dalhin ang imahe ng Sto. Niño mula Cebu patungong Iloilo.
Ang pagdiriwang ay kilala sa masigla at makulay na
kumpetisyon ng mga tribo. Ang mga kalahok ay nagpipinta ng kanilang mga katawan
at nagsusuot ng mga tradisyunal na kasuotan habang nagsasayaw sa saliw ng
malalakas na tambol at musika. Higit pa sa kultural na aspeto, ang Dinagyang ay
isang pagpapakita ng matibay na pananampalataya at pagmamahal ng mga Ilonggo sa
Sto. Niño.
Bagama’t iba-iba ang paraan ng pagdiriwang ay iisa pa rin
ang diwa ng Ati-Atihan, Sinulog, at Dinagyang—ang pagbibigay-pugay sa Sto.
Niño. Sa pamamagitan ng mga misa, prosesyon, at masiglang pagsasayaw,
ipinapakita ng mga deboto ang kanilang kababaang-loob, pananampalataya, at
pasasalamat.
Ang mga selebrasyong ito ay hindi lamang isang
pagpapakita ng kulturang Pilipino kundi isang paalala rin ng kahalagahan ng
pananampalataya sa buhay. Sa kabila ng kasiyahan at makukulay na aktibidad, ang
mga pista ng Sto. Niño ay isang pagkakataon para magdasal, magpasalamat, at
humiling ng biyaya mula sa Poong Maykapal.
Sa bawat sigaw ng "Pit Señor!" at "Hala
Bira!" patuloy na ipinapakita ang pagkakaisa ng mga Pilipino sa
pananampalataya at pag-asa, kasabay ng masiglang selebrasyon ng mayamang
kultura.
Pareho man na pawang nagbibigay-pugay sa Sto. Niño ang
Ati-Atihan, Sinulog, at Dinagyang, ang bawat isa ay may natatanging kasaysayan
at paraan ng pagdiriwang na sumasalamin sa kultura at tradisyon ng
kani-kanilang rehiyon.
0 Comments