Nasa 300 na mga sundalo ng North Korea ang namatay habang
2,700 ang sugatan sa pakikipagbakbakan sa gyera ng Russia at Ukraine, ayon sa
mambabatas ng South Korea.
Kamakailan, sinabi ng Seoul na nagpadala ng mahigit
10,000 mga sundalo si North Korean leader Kim Jong Un bilang “cannon fodder”
upang tumulong sa Moscow na lumaban sa Kyiv kapalit ng Russian technical
assistance para sa mabibigat na armas ng Pyongyang at satellite programs.
Nito linggo, ipinahayag ni Ukrainian President Volodymyr
Zelensky na nakabihag sila ng dalawang sundalong North Korean kasabay ng pagpapalabas
ng video ng mga sugatang kasamahan na sumasailalim sa interogasyon.
Mula sa pagkakahuli sa dalawang sundalo ng North Korea,
umaasa ang Ukraine sa posibilidad na “prisoner swap” para sa mga nahuling
sundalo ng naturang bansa.
Ngunit, ibinahagi ng mambabatas na si Lee Seong-kweun na
ang mga sundalo na napag-alamang mula sa elite Storm Corps ng North Korea ay
inatasang kitilin ang sarili sa halip na maging bilanggo.
Samantala, sa post ni Zelensky sa X (dating Twitter) na
handa itong makipag-negosasyon na ibalik ang sundalo ni Kim Jong Un kapalit ng
pagbabalik sa mga sundalo nito.
0 Comments