Patay ang 19-anyos na dalagita matapos itong tinadtad ng
saksak ng kaniyang stepfather sa mismong araw ng Bagong Taon sa Brgy. Sta. Ana,
Taytay, Rizal.
Ayon sa Taytay Police Chief Lt. Col. Marlo Solero,
nangyari ang insidente dakong alas-4:00 ng umaga sa araw ng Bagong Taon kung
saan parehong may mga bisita ang suspek at biktima na magkaibang grupo sa labas
ng bahay kung saan sila nagtatrabaho bilang caretakers.
Humantong sa pananaksak ang mainit na diskusyon ng
biktima at suspek gamit ang jungle bolo na kadalasang ginagamit ng pamilya ng
biktima sa pagsasaka.
Sinubukan pang pigilan ng nobyo ng biktima ang pananaga
ngunit maging siya ay nagtamo ng sugat sa kanang braso.
Nagtamo naman ng matinding sugat sa ulo ang biktima
dahilan ng pagkamatay nito.
Naniniwala ang tiyahin ng biktima na selos ang naging
motibo sa krimen matapos na madiskubre ang pangha-harass ng suspek sa biktima.
Sa ngayon ay patuloy pang pinaghahanap ang suspek na
nakatakdang haharap sa kasong murder at frustrated murder.
0 Comments