Arestado ang isang Pinay beauty queen matapos ang umano’y
pagpapatakbo ng Ponzi scheme sa Sacramento, California.
Kinilala itong si Maria Dickerson o mas kilala bilang
Dulce Pino, isang Filipina pageant queen.
Nahaharap si Dulce sa 24 counts ng wire fraud, 1 count ng
securities fraud, at 7 counts ng money laundering.
Mariing itinanggi ng Pinay ang mga akusasyon laban sa
kaniya nang ito’y dumalo sa Eastern California District Court sa Sacramento.
Habang, nananatili pa din siyang nasa kustodiya ng naturang korte para sa
inaasahang pagdinig ngayong Miyerkules ng hapon.
Inakusahan din si Dulce na nagpapatakbo ng Ponzi scheme
sa ilalim ng shell company Creative Legal Fundings, kung saan umano’y nangako siya
sa 140 investors ng isang fixed monthly return na may dagdag na compounding
monthly interest kapag iiwan nila ang kanilang ininvest na pera sa kaniya.
Sinasabing nakalikom ng mahigit 7-milyon dollars si Dulce
mula sa mga investor nang hindi nito inirerehistro ang kita sa Securities and
Exchange Commission.
Dahil dito, nag-isyu ng babala ang Philippine Honorary
Consulate sa San Diego sa mga Pinoy na nakikipagsosyo sa kaniya habang nag-isyu
din ng Desist and Refrain Order ang California Department of Financial
Protection and Innovation laban kay Dulce.
0 Comments