Pinaniniwalaang maswerteng nakatakas ang isang 21-anyos
na dalagita matapos itong sapilitang isakay ng hindi pa nakikilalang mga indibidwal
sa van.
Sa ulat, sinabi ng ina ng dalaga na hindi nito makausap
ang anak. Wala rin aniya itong ganang kumain at ayaw ding pumasok ng eskwelahan
dahil sa nangyari.
Ayon naman sa imbestigasyon ng Bacolod Police Station 4,
galing ang biktima sa boarding house nito at bibili sana ng ulam nang may
biglang humablot sa kaniya at sapilitan siyang isinakay ng apat na mga hindi pa
nakikilalang indibidwal sa van.
Nangyari ito bandang alas-8 nang gabi ng Agosto 21.
Sinasabing pasado alas-10:00 ng gabi, nakakuha ng
oportunidad ang dalagita na makatakas nang tumigil ang van sa may Barangay
Sampinit sa lungsod ng Bago. Dito ay bumaba ang nasabing mga indibidwal na
kumuha sa kaniya upang manigarilyo at umihi.
Ang 21-anyos na dalaga ay naiulat na nagtago sa kampo,
kung saan siya natagpuang may tali sa kanyang leeg at mga kamay ng mga residente.
Samantala, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng
pulisya sa insidente upang makumpirma ang katotohanan sa likod ng pangyayaring kinasasangkutan
ng naturang dalagita.
0 Comments