Umabot na sa P1.4-milyon ang halaga ng pabuyang ibibigay
sa sinumang makakapagturo sa kinaroroonan ng nawawalang beauty queen Geneva
Lopez at kasintahan nitong si Yitshak Cohen.
Sa isang ulat, magbibigay ng P1-milyong pabuya ang Pampanga
Governor Dennis Pineda at Vice Governor Lilia Pineda habang nag-alok din ng
P150,000 na pabuya ang alkalde ng Sto. Tomas, Pampanga para sa impormasyong
magdadala sa kinaroroonan ng dalawa.
Nauna nang nagbigay ng P250,000 na pabuya ang pamilya ni
Cohen para mahanap na ito.
Ayon kay Mayor John Sambo, patuloy ang ginagawang
imbestigasyon at pagkakalap ng mga ebidensyang magtuturo sa kinaroroonan ng
magkasintahan na magdadalawang linggo ng nawawala.
Kung matatandaan, huling nakita ang beauty queen noong Hunyo
21 kasama ang boyfriend nitong Israeli. Sinasabing mula sa kanilang bahay sa
Angeles City, Pampanga ay bumiyahe ang dalawa patungong Tarlac upang tingnan
ang lupang bibilhin.
Kinabukasan ay natagpuang sunog na ang sasakyan ng
magkasintahan sa gilid ng daan ngunit wala ang dalawa sa loob.
Isa pang sasakyan na inabandona ang nakita naman sa
Tarlac City, na hinihinalang may kaugnayan din sa pagkawala ng magkasintahan.
Samantala, sinabi ni Police Colonel Jean Fajardo,
tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), na maaga pa para
ikonsiderang persons of interest ang dating pulis na middleman ng magkasintahan
sa bibilhing lupa sa Tarlac.
0 Comments