LALAKI, NILASLAS ANG LEEG


Patuloy na nagpapagaling sa ospital ang biktima na si Marlou Nama matapos na laslasan ang leeg sa labas ng Brgy. Multi-purpose ng Tinapuay, pasado alas-2 kaninang madaling araw.

Sa panayam ng K5 News Team kay PCPT Benny Jones Mendoza ng Banga PNP, nabatid na papauwi na sana ang biktimang si Nama kasama ang kaniyang kaibigan galing sa sayawan sa naturang Brgy. sakay ng motorsiklo, nang bigla na lamang dumating ang suspek na si Rens Montuya na noon ay nasa ilalim ng nakakalasing na inumin at pumwesto sa likod nang kaniyang sinasakyang motorsiklo at dito na ginawa ang panlalaslas.
Nagawa pa umanong makababa ng biktima sa kabila ng tinamo at itinuro ang may kagagawan nito bago muling isakay sa motor at dalhin sa Don Leovigildo N Diapo Sr. Municipal Hospital sa Madalag at kalauna’y inilipat din sa isang pribadong ospital sa bayan ng Kalibo.
Habang ang suspek naman ay agad na umalis palayo sa lugar matapos ang nagawa bagama’t agad din na nahuli ng mga pulis matapos ang isinagawang hot pursuit operation.
Samantala, napag-alaman din na ang itinuturong suspek ay una nang naging ‘child in conflict with the law’ o CICL noong menor de edad pa lamang at hanggang ngayon ay hindi pa malinaw sa mga otoridad kung ang dating alitan ng dalawa ang ugat ng panlalaslas kay Nama. |TERESA IGUID

Post a Comment

0 Comments

Search This Blog