Pinabulaanan ni General Romeo Brawner Jr., Chief of Staff
of the Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga balitang tinutukan umano
ng baril ng mga sundalong Pinoy ang mga tauhan ng China Coast Guard (CCG) sa
isang resupply mission sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea nitong nakaraang
buwan.
Ipinahayag ni Brawner na isang akto ng “self-defense” ang
ipinakita ng mga tropa nang makitang lumapit ang mga tauhan ng CCG ng 5
hanggang 10-metro mula sa BRP Sierra Madre, isang grounded na barko ng
Philippine Navy (PN) na nagsisilbing outpost ng AFP sa pinagtatalunang shoal
para agawin ang isa sa apat na food packages para sa tropa.
Sinasabing nagsagawa ng resupply mission ang AFP noong
Mayo 19 sa Ayungin Shoal upang dalhan ng pagkain at iba pang pangunahing
pangangailangan ang mga tropang naka-duty sa BRP Sierra Madre.
Ipinaliwanag naman ni Commodore Roy Vincent Trinidad, PN
spokesperson for WPS na mayroong apat na mga food packages na ipinadala sa
pamamagitan ng pag-airdrop.
Ngunit, sa pag-airdrop ng ikalawang food package ay
mabilis na lumapit ang dalawang rigid hull inflatable boats (RHIBs) ng CCG
upang agawin ang naturang food supply.
"When the second package was dropped, they went to
the area to recover it despite the fact that our boats were already there.
Nakipag-agawan pa sila, inunahan pa tayo," saad ni Brawner.
Matapos maagaw ang isang food package ay agad nila itong
itinapon sa dagat nang madiskubreng puro pagkain ang laman ng mga ito.
Sa kabila nito, matagumpay namang naihatid ang tatlo pang
mga food packages sa mga sundalong Pinoy.
0 Comments