Posibleng ideklara na persona non grata sa Coron, Palawan
sina Rosemarie Tan o mas kilala bilang Rosmar at Rendon Labrador matapos
sumugod sa opisina ng alkalde nitong Linggo.
Sa isang ulat, sumugod sa tanggapan ni Coron Mayor Marjo
Reyes ang dalawang influencers upang ipaabot ang reklamo ukol sa komento na
kanilang natanggap mula kay Jho Cayabyab Trinidad, isa sa mga staff ni Reyes,
matapos mag-organize ng isang event para tulungan ang mga tao roon at
mai-promote ang turismo ng Coron.
Sa kumakalat na video sa social media, hinarap nina Tan
at Labrador si Trinidad na inakusahan ang dalawa ng panggagamit at pananamantala
sa mga taga-Coron para sa kanilang vlog.
Nakalagay pa sa komento ni Trinidad na dismayado ito
dahil sa paghihintay ng halos isang oras na gutom at wala pang natanggap na
grasya mula sa mga ito.
Dahil dito, umalma si Tan at sumugod sa tanggapan ng
alkalde ng Coron kasama si Rendon Labrador.
Paliwanag ni Rosmar na nagtungo umano ito ng Coron,
Palawan upang magbakasyon at magsagawa ng charity event ngunit hindi nito
inaasahan ang pagsalubong ng madaming tao pati na ang pag-rant ng babaeng staff
dahil lang sa napurnadang ayuda.
Habang, sa pagdepensa naman ni Rendon na pumunta lamang
ito ng Coron, Palawan para tumulong at i-promote ang lugar.
Sa kabila nito, agad namang ipinaabot ni Trinidad ang
kaniyang public apology lalo na kina Rosmar at sa Team Malakas ukol sa kaniyang
naging komento.
Ngunit, nag-post pa din sa social media ang vlogger na si
Rosmar na “never again Coron, Palawan” kung saan maraming mga netizens ang
nagalit na tila bakit anila nadamay ang buong munisipalidad sa kasalanan ng
isang tao.
Kung kaya’t naghain ng resolusyon ang pamunuan ng Coron
ukol sa pagdedeklara ng persona non grata sa dalawang vloggers.
0 Comments