Dahil sa himalang iniuugnay sa isang teenager na si Carlo
Acutis, binigyan siya ng pagkilala ni Pope Francis at itinuring na kauna-unahang
‘millenial saint’.
Ngunit, sino nga ba si Carlo Acutis at ano nga ba ang himalang ginawa nito?
Sa ulat ng Vatican News at Catholic News Agency, si
Acutis ay ipinanganak noong Mayo 3, 1991 sa London, England.
Sa edad na 7-anyos, matapos ang unang Communion ni Acutis
ay ibinahagi nito sa kaniyang ina ang plano sa buhay: “To always be united to
Jesus”.
Mula noon, palagi nang dumadalo si Acutis sa daily Mass
ng kanilang simbahan malapit sa kaniyang eskwelahan sa elementarya sa Milan.
Para kay Acutis, ang Eukaristiya ang kaniyang daan
papuntang langit.
Dahil sa kabanalan at matinding pananampalataya, naging
inspirasyon siya sa kaniyang magulang kung saan nakumbinsi nito sila na muling
ilapit ang sarili sa Diyos maging ang kaniyang mga kaklase at kaibigan.
Sa edad na 15-anyos ay pumanaw ang binata noong Oktubre
12, 2006 sa Monza, Italy dahil sa sakit na leukemia.
Noong 2020 ay personal na binasbasan ni Pope Francis sa
Assisi si Acutis kung saan ginawan din siya ng pilgrimage.
Samantala, paano nga ba nangyari ang himalang iniuugnay
sa binata?
Sa bansang Costa Rica, isang 21-anyos na si Valeria
Valverde ang naaksidente at nagkaroon ng matinding trauma sa ulo dahilan na ito’y
sumailalim sa craniotomy surgery. Ayon sa mga doktor ay mababa anila ang tsansang
maka-survive ito.
Sa pangyayaring ito, napagdesisyunan ng ina ni Valeria na
manalangin sa libingan ni Acutis sa Assisi tsaka nag-iwan ng liham na nagsasaad ng hiling sa paggaling ng anak nito.
Noong araw ding iyon, ayon sa Vatican, biglang ipinaalam
ng ospital kay Liliana na kusang huminga si Valeria. Kinabukasan, nagsimula na
siyang gumalaw at bahagyang nakabawi sa pagsasalita.
Makalipas ang ilang mga araw, noong Hulyo 18, napatunayan ng CAT scan na nawala ang pagdurugo ni Valeria. Inilipat naman siya sa rehabilitation therapy noong Agosto 11, at mabilis siyang naka-recover.
Samantala, nitong Huwebes ay kinilala ni Pope Francis ang
nangyaring himala. Dahil dito, iaanunsyo raw ng Vatican kung kailan ang
magiging petsa ng canonization ni Acutis, kung saan magiging ganap na siyang
isa sa mga santo ng Simbahang Katolika.
0 Comments