NEW WASHINGTON PNP, PATULOY PA RIN ANG IMBESTIGASYON SA NANGYARING BANGGAAN NA IKINASAWI NG ISANG DRIVER NG MOTORSIKLO


 

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng New Washington PNP sa nangyaring aksidente pasado alas-5 kahapon sa Brgy. Cawayan, New Washington. 

Batay sa inisyal na ulat ng mga otoridad, kinilala ang biktima na si Marianito Bañez, 57-anyos, habang ang nakabanggan naman nitong Kawasaki Big Bike ay minamaneho ng hindi na pinangalanang 17-anyos na driver sakay ang 16-anyos na babae, at parehong residente ng naturang lugar. 

Sa panayam naman ng Radyo Bandera News Team sa ilang residente sa lugar, napag-alaman na una nilang inakala na may nagbibiruan lamang at nanggaling sa binabatong bubong ang narinig nilang malakas na tunog. 

Ngunit nang tiningnan na nila ito ay doon na nalaman na mayroong nangyaring aksidente. 

Salaysay ng isang saksi, naabutan nilang nakadapa na sa tabi ng kaniyang motorsiklo si Bañez at posibleng tumilapon na rin ang helmet matapos na hindi ito makitang suot ng biktima. 

Habang una namang nakabawi ang driver ng big bike at agad na pinulot ang mga gamit nito na nagkalat dahil sa nangyaring banggaan.

Samantala, agad naman umanong rumesponde ang mga otoridad at sinubukan pang dalhin ang mga ito sa pagamutan ngunit hindi na umabot ng buhay sa ospital si Bañez habang nagtamo naman ng pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang 17-anyos na driver ng big bike at ang tumilapon na 16-anyos na babaeng sakay nito na kasalukuyan pang naka-confine ngayon. |TERESA IGUID

 

 

Post a Comment

0 Comments

Search This Blog