Posible ang hanggang 100% na discount sa babayarang bill ng kuryente sa pamamagitan ng Lifeline Rate Discount na ipinapatupad ng Aklan Electric Cooperative, Inc.
Ito ang kinumpirma ni Atty. Ariel Gepty ng AKELCO, sa programang Foro De Los Pueblos matapos na matanong sa bagong implementasyon ng nasabing Lifeline Rate Discount alinsunod sa Republic Act no. 11552.
Ani ni Gepty, base sa kautusan na aprubado ng DOE, ERC at DSWD mabibigyan ng 100% na diskwento ang mga AKELCO consumer na may 20kWh pababa na kunsumo, 50% discount para sa mga may 21-50kWh, 35% para sa mga may 51-70 kWh at 20% discount naman para sa may 71-100 kWh na nakunsumo.
Sa kabila nito, ipinunto din ni Gepty na ang nasabing discount ay sesentro lamang sa mga kapos sa buhay na mga consumer katulad na lamang ng 4Ps beneficiaries gayundin ang mga living below the poverty threshold na itinakda ng Philippine Statistics Authority at Senior Citizens na hirap sa buhay.
Dahil dito, patuloy naman na hinimok ni Gepty ang mga AKELCO consumer na kwalipikado sa nasabing discount na magtungo sa kanilang pinakamalapit na mga area offices dala ang mga patunay tulad ng certification mula sa DSWD, 4PS ID at iba pang magpapatunay na sila ay pasok na mag-apply para sa diskwento.
Habang nilinaw din nito na wala nang bisa ang mga nasa listahan noon bagama’t maaari pa rin silang mag-apply muli.
Binigyang-diin din nito na ang naturang discount ay hindi pang habangbuhay dahil sa oras aniyang matanggal ang mga ito sa listahan ng 4ps o umayos ang buhay ay hindi na rin ito makaka-avail.
Gayundin, kapag sumobra sa 100kWh ang naging nakunsumo ay pansamantala din itong hindi makakapag-avail at magiging kwalipikado lamang muli kapag bumaba na ang nakunsumo sa mga susunod na buwan.
Samantala, sinabi rin ni Gepty na dedepende ang paghahatian
ng mga regular consumer sa magagamit na watts ng mga kapos na consumer. |TERESA
IGUID
0 Comments