Kinumpirma ni New Buswang Punong Barangay Arvin Ramos na
mayroon silang natanggap na reklamo halos tatlong buwan na ang nakakalipas laban
sa biktima ng pamamaril na si Ryan Relator.
Sa panayam ng Radyo Bandera News Team, tumanggi nang ilahad pa ni Ramos ang ibang detalye bagama’t kinumpirma nito na mayroon silang natanggap sa Barangay na reklamo.
Sa kabila nito, inilarawan naman ni Ramos bilang mapagbigay si Relator lalo na noong mga panahon ng COVID-19 pandemic dahil sa dami aniya ng natulungan nito.
Napag-alaman din sa Punong Brgy. na kadalasang nasa bayan ng Banga si Relator upang pangasiwaan ang kaniyang construction supply na negosyo at umuuwi lamang aniya tuwing gabi sa Mercedes Village.
Kumbinsido rin aniya ito na walang kinalaman sa pulitika ang ugat ng pamamaril sa biktima dahil wala naman aniyang senyales na tatakbo ito sa nalalapit na eleksyon.
Mababatid na binawian ng buhay ang nasabing negosyante habang ginagamot sa Intensive Care Unit (ICU) ng Aklan Provincial Hospital kaninang madaling araw, makaraang pagbabarilin habang papauwi ilang metro ang layo sa kaniyang bahay sa New Buswang. |TERESA IGUID

0 Comments