MGA MENOR DE EDAD SA SURIGAO DEL NORTE, INAABUSO UMANO NG ISANG KULTO

 


Ibinunyag ni Senator Risa Hontiveros ang iligal na mga gawain ng isang kulto sa mahigit isang libong kabataan sa Socorro, Surigao del Norte.

Batay sa kanyang post, nakaranas umano ng pang-aabuso, panggagahasa at sapilitang ipinapakasal ang mga bata ng isang kulto sa naturang lugar.

Pinangalanan din ng senador ang lider sa likod nito na si Jey Rence na tinatawag nilang “Senior Agila”.




Maliban dito, inakusahan pa ni Hontiveros ang umano'y Socorro Bayanihan Services ni Jay Rence na mayroon itong koneksiyon sa ilegal na droga.

Sa isinagawang privilege speech ni Hontiveros, ipinahayag nito na noon pang 2019 ay mayroon ng kulto sa bulubunduking bahagi ng nasabing bayan kung saan ang mga kababaihang nasa 15-anyos ay inaabuso umano at sapilitang ipinapakasal sa kanilang lider.

“A community of children is crying for help. Ang pinag-uusapan nating mga bata ay higit sa isang libong kabataan na nasa kamay ng isang mapanlinlang, malupit, at mapang-abusong kulto”, ani ng senador.

Ayon sa ilang mga ulat, dati umanong civic group na tumutulong sa mga lokal na mamamayan ang Socorro Bayanihan Services.

Ngunit, ito’y nagbago nang pamunuan ito ng 17-anyos na si Jey Rence na itinuturing na “Messiah” at “new Jesus” ng mga tagasunod nito.

Dala ng takot nang tumama ang lindol sa Socorro, isang mass resignation ang nangyari kung saan mahigit 100 guro ng Department of Education at mahigit 50 government employees pati mga kabataan ang sumanib sa kulto dahil sa pananakot ni Senior Agila na mapupunta sa impiyerno ang hindi sasama sa kanya.

Ginagamit din umanong pondo ng nasabing kulto ang government financial assistance mula sa mga miyembro na benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), may senior citizen pensions, at may Assistance to Individuals in Crisis Situation program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Noong Hulyo, walong kabataan umano ang nakatakas mula sa kulto at humingi ng tulong sa lokal na pamahalaan na agad inaksyunan ni Mayor Riza Timcang sa pamamagitan ng isang task force na sumiyasat tungkol sa nasabing kulto.

Subalit, nabigo ito nang maghain ng writ of habeas corpus ang grupo at mga magulang ng mga bata.

Samantala, itinanggi umano ng Socorro Bayanihan Services ang mga paratang laban sa kanila kung iginiit ni Ralna Diane dela Peña, miyembro ng nabanggit na kulto na negatibo umano ang kanilang grupo sa iligal na mga gawain at pagkakasangkot sa iligal na droga. |SAM ZAULDA

 

Post a Comment

0 Comments

Search This Blog