Pinag-aaralan ngayon ng Land Transportation Franchising and
Regulatory Board (LTFRB) ang posibilidad ng ikalawang yugto ng fuel subsidy
para sa mga PUV operators at drivers na apektado ng nagpapatuloy na oil price
hike.
Inihayag ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz na posible ang
nasabing plano sa oras na humaba pa ang panahon ng patuloy na oil price hike sa
bansa.
Ramdam din aniya nito ang nararanasang epekto sa mga PUVs
kung kaya’t bubusisiin nila ang pagkakaroon ng ikalawang round ng fuel subsidy
sa mga operator at driver ng mga pampasaherong sasakyan.
Matatandaan na nito lamang linggo ay nagsimula ang LTFRB sa
pamamahagi ng fuel subsidy sa mga PUVs kung saan may 1.36 milyon na operators
at drivers ang benepisyaryo ng subsidiya.
Maliban naman sa fuel subsidy, pinag-aaralan din ng ahensya
ang mga hirit sa taas pasahe ng transportation groups dahil na rin sa
tuluy-tuloy pa ring pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo.
Kabilang na rito anya ang provisional o pansamantalang taas
pasahe sa jeep na malaki aniya ang posibilidad na maaprubahan.
Samantala sinabi naman ni Guadiz na nakatakda silang
makipag-ugnayan sa National Economic and Development Authority sa pinal na
halaga ng provisional hike at kung kailan ito dapat ipatupad. | TERESA IGUID

0 Comments