LOKAL NA PAMAHALAAN NG KALIBO, PLANONG MAG-LOAN PARA SA PAGBILI NG LUPA SA PAGPAPALAWAK NG MUNICIPAL CEMETERY


 

Posibleng masimulan na ng LGU Kalibo ang transaksyon nito sa banko ngayong buwan ng Setyembre o Oktobre, makaraan na aprubahan ng BLGF ang kanilang proposal kaugnay sa planong pag-loan para sa dagdag na espasyo ng Municipal cemetery. 

Ito ang inihayag ni Mr. Mark Sy, Kalibo Mayor's Spokesperson, sa programang Foro De Los Pueblos matapos na matanong sa resulta ng naging pagpupulong sa naturang usapin. 

Aniya, isa ngayon sa kanilang mga alalahanin ay ang unti-unti na pagkapuno ng libingan sa paglipas ng panahon na maaari pang humantong bilang malaking problema sa hinaharap sakali man na hindi agad ito mabigyan ng aksyon.

Katunayan ayon kay Sy, mayroong mga pamilya ngayon ang naghihintay pa rin ng bakanteng espasyo para maipalibing ang kanilang mahal sa buhay, dahil sa mahal na presyong kailangang bayaran sa mga pribadong libingan. 

Dahil dito, isa aniya sa kanilang mga temporaryong solusyon ay ang hukayin at ilagay sa iisang lugar ang mga buto ng mga may 6-8 taon nang paso ang kontrata upang mailagay naman sa pinagkuhaan ang mga naghihintay ng espasyo sa oras na maaprubahan ng sanitation. 

Kaugnay dito, ipinunto ni Sy na mahalaga ang kahandaan ng LGU Kalibo sa dumaraming populasyon sa nasabing bayan kung kaya’t maituturing aniyang praktikal na hakbang ang pag-utang para sa dagdag na lupain para dito.

Samantala, ipinasiguro naman nito na sa oras na maging maayos na ang transakyon ay pipiliin nila ang lugar na hindi madaling maabot ng baha gayundin ang abot-kaya na magiging halaga sa pagbili nito. |TERESA IGUID

 

 

Post a Comment

0 Comments

Search This Blog