Mariing itinanggi ni Jay
Rence Quilario o mas kilala bilang “Senior Agila”, lider ng isang kulto sa
Surigao de Norte, ang mga alegasyong ibinabato sa kanya.
Isa na rito ang pang-aabuso
sa mga menor de edad at ipinapakasal sa murang edad.
Sa isang pagdinig sa senado,
dumepensa si Jay Rence na isa lamang aniya na pagyayabang ng mga bata ang naturang
akusasyon sa kanya.
Ani pa nito, hindi aniya
totoo na pinagbabawalan nitong pumasok sa paaralan ang mga bata.
Habang, batay naman sa report
ng DepEd, noong 2019 ay nagkaroon umano ng malawakang dropout ng mga enrollees
mula elementary at high school sa lugar kung saan umabot ito sa mahigit 800.
Iginiit naman ni Senator
Risa Hontiveros na ang nangyaring malawakang dropout ng mga enrollees ay
kasunod ng pagyanig ng malakas na lindol kung saan ginamit aniya ito ni Senior
Agila na pagkakataon upang pasunurin sa kanya ang mga kababayan na umakyat sa
bundok.
Nauna nang isiniwalat ni Hontiveros
ang umano’y ginagawang pang-aabuso, kaso ng panggagahasa, human trafficking at
sapilitang paglangoy ng mga bata sa dumi ng tao ng grupong Socorro Bayanihan
Services Inc., na binansagan nitong isang kulto.
Samantala, ayon kay National
Bureau of Investigation (NBI) Caraga director Sally Hans Barbaso, ipinatawag na
nito ng dalawang beses ang mga pinuno ng nasabing grupo ngunit ni isa umano sa
kanila ay walang nagpakita sa halip ay isang abogado ang kanilang pinadala para
kumausap sa mga imbestigador.
Ninanais din anila na magsagawa
ng inspeksyon sa mountain community dahil sa umano’y mga armas.
Ngunit, sinabi ni Barbaso na
inindorso na sa provincial prosecutor ang pag-file ng qualified trafficking,
serious illegal detention, at child abuse cases laban sa kanila dahil sa bigong
magpakita ang umano’y mga lider ng naturang kulto.
Dahil dito, nakatakdang gagawin
ang pagdinig sa Oktubre 9 kasama ang itinalagang panel of women prosecutors ng DOJ. |SAM ZAULDA
0 Comments