KaBandera, sintunado ka ba? Magpasalamat
ka dahil it’s your time to shine!
Isa kasing online singing
contest ang inilunsad sa Kabankalan City, Negros Occidental sa pangunguna ni
Vice Mayor Miguel Migz Zayco sa Facebook page nito.
Ngunit, ang naturang
kumpetisyon ay hindi para sa mga mang-aawit kundi para sa mga sintunado.
Kung kaya’t maraming mga
Pinoy ang natuwa at nabuhayan ng loob sa pagkakataong mayroon nang patimpalak
para sa mga sintunado.
Sa isang ulat, ipinahayag ng
bise-alkalde na nais nitong bigyan ng pagkakataon at lakas ng loob ang mga
sintunadong itinatago ang kanilang boses sa bahay.
Ang “Search for Libagon Champion”
ay umani ng libo-libong mga comments at shares ilang oras matapos itong i-post
sa social media ni Zayco.
Ikinatuwa naman ito ng
bise-alkalde na sa loob lamang ng tatlong araw ay umabot na sa 2.1 million ang
reach nito, 63,000 reacts at mahigit 12,000 shares.
Mula sa mahigit 100
sintunado na sumali, isang 29-anyos at OFW sa Hong Kong na si Rona Gustilo ang
nag-uwi ng kampyeonato sa naturang contest kung saan nakuha nito ang tropeo at
premyong P5,000.00
Samantala, plano namang
gawing nationwide ang contest na tatawaging “SINGtonado, ang boses ng bawat
Pilipino na wala sa tono.”
0 Comments