Malaking problema ang ikinakaharap ng Gilas Pilipinas sa papalapit na 2023 Asian Games.
Dahil tapos na ang kampanya sa 2023 FIBA World Cup, nakatuon ang atensyon ng Gilas sa paghahanda sa Asian Games na isasagawa sa Hangzhou, China mula Setyembre 23 hanggang Oktubre 8.
Isa sa kanilang problema ay pagbitiw sa puwesto ni head coach Chot Reyes gayundin ang pag-alis ng karamihan na mga basketbolista lalo na ang overseas players na kailangan nang bumalik sa kanilang ‘mother teams’ sa Japan at South Korea.
Una nang kinumpirma ni Dwight Ramos na hindi ito makakalaro sa Asian Games dahil sa kaniyang commitment sa Levanga Hokkaido sa Japan B. League.
Si Rhenz Abando naman, kahit gusto niya sanang lumaban ulit para sa bayan, depende pa raw aniya sa team na Anyang KGC sa Korean Basketball League lalo’t pinababalik na rin siya roon.
Parehong sitwasyon din ang ibang Japan B. Leaguie players na sina Kai Sotto ng Hiroshima Dragonflies, Kiefer Ravena ng Shiga Lakestars at AJ Edu ng Toyama Grouses.
Pati si Jordan Clarskon, posibleng hindi mapabilang sa national team dahil sa nalalapit na training camp ng Utah Jazz para sa NBA regular season kasabay ng Asian Games.
Dahil dito, lagpas kalahati ang mawawala sa Gilas team at maiiwan nalang ang PBA players na sina June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, CJ Perez, Jamie Malonzo, Roger Pogoy at Scottie Thompson.
Sa ngayon, wala pang
anunsyo ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) kung sino ang magiging head
coach ng Gilas at mga dagdag players na bibida sa Asian Games. | JOHN
RONALD GUARIN
0 Comments