Muling inilabas ni Paris Olympics-bound Ernest John “EJ” Obiena ang galing nito matapos sumungkit ng panibagong gintong medalya sa Germany.
Matapos magwagi ng unang gintong medalya sa ISTAF tournament sa Berlin, Germany na may rekord na 5.92 meters, nagpakitang gilas ulit si Obiena sa NetAachen Domspringen sa Aachen, Germany dahil nakakuha rin ito ng 5.92-meter record para makuha ang kampeonato.
Tinalo ni Obiena sina Sam Kendricks ng Amerika na nagtala ng 5.87 metro, kung saan nakuha nito ang pilak na medalya, habang bronze medalist naman si Thibault Collet ng France na may rekord na 5.82 meters.
Ang naturang mga laro ni Obiena sa Germany ay isang preparasyon bago sumabak sa 2023 Asian Games sa Hangzhou, China.
Papangunahan ni Obiena ang pagsungkit ng ginto sa Asian Games kung saan isa ito sa inaasahan ni Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino na maglalaro para sa Team Philippines.
Hawak ni Obiena ang Asian record na 6.0m na inaasahang makakamit nito sa Hangzhou Games na magbibigay sa kanya ng gintong medalya. | JOHN RONALD GUARIN
0 Comments