70 PNP PERSONNEL SA AKLAN, NI-RELIEVE DAHIL SA MGA TATAKBONG KAMAG-ANAK SA BSKE


 

Aabot sa 70 PNP personnel sa buong probinsya ng Aklan ang pansamantala munang isasailalim sa reassignment o pag-relieve kaugnay ng nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE. 

Sa panayam ng Radyo Bandera News Team kay PSSgt. Jane Vega, tagapagsalita ng Aklan Police Provincial Office (APPO), nabatid na una nang nagkaroon ng assessment sa bawat Municipal Police Station upang matukoy kung gaano kalapit ang relasyon ng mga personnel sa mga tatakbong kandidato sa kanilang lugar. 

Sa pamamagitan aniya nito ay napag-alaman na ang nasabing bilang ng PNP personnel ay mayroong 1st hanggang 4th degree na relasyon sa mga political candidates kung kaya’t temporaryo muna ang mga itong ililipat sa isa hanggang dalawang munisipalidad ang layo at ibabalik din sa oras na matapos ang naturang eleksyon.

Habang, ipinasiguro din nito na pupunan ng mga kapulisan mula sa APPO ang naiwan na bakanteng pwesto ng mga na-relieve na police personnel. 

Kaugnay dito, ipinunto rin ni Vega na itong hakbang ay bilang parte ng pagiging non-partisan ng kanilang hanay at ang sinumang mapapatunayan na lumabag ay posibleng maharap sa kasong administratibo. 

Samantala, patuloy naman nitong hinimok ang publiko na panatilihin ang kooperasyon sa kanilang hanay sa mga panuntunang ipinapatupad alinsunod sa kautusan ng COMELEC upang maiwasan na mauwi pa sa mabibigat na penalidad. |TERESA IGUID

 

Post a Comment

0 Comments

Search This Blog