3 ARAW NA TIGIL PASADA, POSIBLENG IPATUPAD DAHIL SA PATULOY NA OIL PRICE HIKE



Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa, nagbabala ang mga lider ng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON)  na magpapatupad ito ng tatlong araw na tigil-pasada kung magtutuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.

Ayon kay Cirilo Latoreno, Pinuno ng PISTON-Baclaran, mapipilitan umano silang isagawa ang tigil-pasada kung walang aksyon ang pamahalaan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.   

Aniya pa, P500 kada araw ang nawawala sa kita ng mga jeepney drivers o katumbas ng P12,500 kada buwan dahil sa mataas na presyo ng langis.

Sa isang panayam sa radyo, kinumpirma ni Mody Floranda, national president ng PISTON, na hindi umano malayong mauwi sa tigil-pasada ang walang humpay na pagtaas ng mga produkto ng petrolyo.

Gayunman, wala pa aniyang petsa kung kailan nila ito isasagawa dahil pinag-aaralan pa nila ito sa ngayon.

Nauna nang sinabi ng Department of Energy (DOE) na posibleng magtagal pa ng hanggang Disyembre ang pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.|VILROSE CUAL

Post a Comment

0 Comments

Search This Blog