Sa kabila ng pagdeklara ng suspensyon sa klase ng ilang mga LGUs sa probinsya sa unang araw ng pasukan, malugod pa rin na binati ng DepEd-Aklan ang mga mag-aaral, guro at iba pang staffs sa pagbabalik eskwela.
Sa panayam ng Radyo Bandera News Team kay Mr. Gregory Parel,
Division Information Officer ng DepEd-Aklan, sinabi nito na bagamat walang
class suspension mula sa superintendent ay mayroon aniyang kakayahan ang mga
LGUs na mag-suspende ng klase.
Sa ngayon ang mga bayan ng Kalibo, Banga, Lezo, Malay, Batan, Makato, Nabas, Malinao, Buruanga, Madalag,Ibajay, Balete at Tangalan ang mga nagdeklara ng class suspension mula pre-school hanggang high school matapos na itaas sa red rainfall warning ang probinsya o aasahan ang matinding pag-ulan, baha o pag guho ng lupa bunsod ng bagyong Goring.
Dahil dito, ipinunto ni Parel na sa kabila ng excitement ng ilan para sa pagbabalik eskwela ay mas importante pa rin na masiguro ang kaligtasan ng bawat isa.
Samantala, inihayag rin nito na sa pagsisimula ng pasukan ay
kabuoang 124, 795 na enrollees ang kanilang naitala sa buong Aklan, kung saan
aabot sa 106,002 ang bilang sa public schools at nasa 18, 441 naman ang nasa
pribadong paaralan. |
0 Comments