PAGKANSELA SA IGINAWAD NA CLOA SA MGA INDIGENOUS PEOPLE SA BORACAY, POSIBLE- ATTY. GONZALES

 




Sa kabila ng mahabang proseso ay posible pa rin na kanselahin ang Certificate of Land Ownership Awards (CLOA) o isang dokumentong nagsasaad ng pagmamay-ari ng lupang ipinagkaloob sa benepisyaryo ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Ito ang sinabi ni Atty. Axel Gonzales sa programang Foro De Los Pueblos, matapos ang pangamba na ipinaabot ng ilang pamilya ng Indigenous people sa Isla ng Boracay sa posibilidad na mabawi sa kanila ang CLOA na ipinagkaloob sa mga ito.

Matatandaan na taong 2018 ay personal na iginawad ni dating Presidente Rodrigo Duterte ang naturang CLOA sa 44 na mga tribal families sa Boracay na may lawak na nasa 4800 square meters.

Habang Hulyo naman ng taong kasalukuyan ng ipaabot ng isang miyembro ng Indigenous people sa Sangguniang Panlalawigan ang kanilang pangamba kaugnay sa umano’y pag-file ng ilang property developer ng petisyon para sa pagkansela ng CLOA na mas ikinabahala pa nila dahil sa pag-apruba umano dito ng DAR.

Ayon kay Gonzales, mahigit 14 ang grounds sa pagkansela dito at isa sa mga dapat tingnan ay kung dumaan ba ito sa mahabang proseso tulad ng Municipal Agrarian Reform Officer (MARO) na siyang tutukoy kung sino ang awardee ng CLOA.

Ipinunto rin ni Gonzales na sa kabila ng hinahawakang CLOA nitong mga tribal families ay hindi pa rin ito titulo.

Dagdag pa rito, ang mga lupang una na aniyang iginawad sa kanila ng nagdaan na administrasyong Duterte ay hindi rin pwedeng maibenta sa loob ng 10 taon.

Samantala, binigyang-diin rin ni Gonzales na dapat matulungan ang mga nasa laylayan ng Lipunan ngunit kailangan rin aniya na idaan ito sa tamang proseso. |Ni Teresa Iguid

Post a Comment

0 Comments

Search This Blog