MDDRMO- MADALAG, NANAWAGAN NG PAG-DOBLE INGAT SA MGA ISKURSIYON


 

Nanawagan ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Madalag sa publiko na mag-doble ingat sa tuwing tutungo sa mga resorts o beach areas para mag-iskursiyon. 

Ito ay matapos ang insidente ng pagkalunod ng isang 17-anyos na estudyante sa ilog na sakop ng Brgy. Alaminos sa bayan ng Madalag, kahapon.

Sa panayam ng Radyo Bandera News Team kay Mr. John Fernando ng MDRRMO-Madalag, napag-alaman na pasado alas 11 ng tanghali kahapon, nagkayayaan ang biktima kasama ang mga kaibigan nito na maligo sa isang resort sa bayan ng Malinao pagkagaling sa eskwelahan upang magpa-enroll. 

Ngunit, dahil hindi sapat ang kanilang pera para sa entrance sa naturang resort ay hinimok umano nitong biktima ang kaniyang mga kasama na sa ilog na lamang maligo sa kalapit-bayan na Madalag. 

Matapos naman ang saglit na pagpapahinga ay agad na naghanda ang mga ito upang maligo sa nasabing ilog kung saan tumalon agad sa malalim na parte ang biktima. 

Hinayaan lamang umano ito ng kaniyang mga kasama dahil una naman nitong ipinasiguro na marunong itong lumangoy. 

Dagdag pa ni Fernando, inakala rin ng mga kaibigan nitong biktima na nagbibiro lamang ito kung kaya’t hindi pa rin lumulutang. 

Ngunit matapos ang ilang minuto at hindi pa rin nila ito nakikita dito na kinabahan ang kaniyang mga kasama at agad na humingi ng tulong kasabay ng paghahanap dito sa bahagi ng kaniyang nilanguyan. 

Ayon kay Fernando, sinubukan pa nilang maisalba ang buhay ng binatilyo na naabutan nilang naiahon na sa ilog; at dinala sa Madalag District Hospital ngunit kalaunan ay idineklara rin itong dead on arrival.

Samantala dahil dito, umapela naman si Fernando sa publiko na sakaling may mangyaring kahalintulad na insidente ay agad na ipagbigay-alam sa pinakamalapit na responders para sa mas mabilis na pag-responde. |Ni Teresa Iguid

Post a Comment

0 Comments

Search This Blog