IBAJAY MPS, PATULOY ANG IMBESTIGASYON KAUGNAY SA NANGYARING PAMAMARIL SA BRGY. RIVERA, IBAJAY, KAGABI

 


 

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Ibajay Municipal Police Station sa nangyaring pamamaril pasado alas-7 kagabi sa Brgy. Rivera, Ibajay. 

Sa panayam ng Radyo Bandera News Team kay PCapt. Rajiv Salbino, COP ng Ibajay PNP, kinilala ang biktima na si Melvin Lopez, 32-anyos at residente ng nasabing lugar. 

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na brownout sa lugar nang mangyari ang pamamaril kung saan una nang may lumapit na dalawang lalaking naka suot ng face mask sa tindahan ng biktima upang bumili. 

At dahil hindi pamilyar ang asawa ng biktima sa mga ito ay sinubukan pa nitong tanungin ang mga suspek kung taga-saan ang mga ito. 

Nang hindi naman makakuha ng sagot mula sa mga ito ay doon na niya tinawag ang kaniyang asawa ngunit paglabas nito ng kanilang bahay ay agad na lang itong pinagbabaril at tumakbo na palayo ang mga suspek. 

Dahil dito, nagtamo ng tama ng baril sa kaniyang likod at tagiliran ang suspek na kalauna’y idineklara namang dead on the spot. 

Lumalabas naman sa imbestigasyon ng Ibajay PNP na walang anumang record o nakaaway ang biktimang Lopez habang patuloy pa rin aniya nilang inaalam kung ano ang motibo sa nangyaring pamamaril. 

Samantala, nanawagan naman ito sa publiko partikular sa mga kalapit na bayan na sakaling may mga taong hindi pamilyar at kahina-hinala ang ikinikilos sa kanilang lugar ay maari lamang aniyang makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan. |Ni Teresa Iguid

Post a Comment

0 Comments

Search This Blog