DISKRIMINASYON AT PANGMAMALIIT, NAGING MOTIBASYON NG ISANG MIYEMBRO NG ATI COMMUNITY UPANG MAKAPAGTAPOS SA KURSONG NURSING


 

“Kaya rin namin ang kaya nila (na gawin)” ito ang madamdamin na sinabi ng isang miyembro ng Ati community makaraan na gumradweyt sa kursong BS in Nursing sa isang pribadong paaralan sa bayan ng Kalibo. 

Sa programang Bandera Talk Show (BTS) kinuwento ni Ms. Judy Ann Suarez Pizaro ang kaniyang mga pinagdaanan bago makamit ang nakuhang tagumpay. 

Hindi aniya madali ang kaniyang naging buhay estudyante simula pa lamang noong elementarya ito dahil maliban sa pagiging hirap sa buhay ay nakaranas din ito ng diskriminasyon at pangmamaliit mula sa ibang tao, partikular na sa mga kapwa estudyante.

Malimit din aniya nitong marinig ang mga pang-aasar na minsan ay nakakasakit na nang damdamin tulad na lamang ng kanilang pisikal na katangian, pagtira sa ilalim ng tulay o ang pag-iwas na makihalubilo sa kanila dahil sa banta ng usog. 

Aminado rin ito na kapos sila sa buhay at hindi na nito inaasahan ang kahit na makatuntong sa kolehiyo dahil maging ang kaniyang ina ay hanggang grade 1 lamang ang natapos at hanggang highschool naman ang kaniyang ama, na inakala rin nito na kakahantungan niya. 

Ngunit labis aniya ang naging pasasalamat nito nang matanggap siya bilang isa sa mga iskolar nang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at sa tulong din nang iba pang mga indibidwal na naging daan upang makapagtapos ito sa pag-aaral. 

Dito aniya ay mas naging pursigido siyang makapagtapos at mapatunayan na kahit maliit lamang ang tingin sa kanila ng ibang tao ay kaya rin nilang makipag-sabayan. 

At ngayong nakapagtapos na ito ay magsusumikap pa rin umano si Judy Ann upang maipasa ang board examination kasabay nang pangarap na makatulong sa pamilya at iba pang miyembro nang kanilang kumonidad. 

Samantala, malugod din na ibinalita ni Judy Ann na maliban sa kaniya ay may iba pang naunang nakapagtapos sa kolehiyo na may kursong education, criminology at midwifery, patunay lamang aniya na kaya din nila ang anumang kaya ng iba. |Ni Teresa Iguid

Post a Comment

0 Comments

Search This Blog