BUTO NA NATAGPUAN SA SEPTIC TANK SA BILIBID, BUTO NG MANOK AT HINDI NG TAO- NBI MEDICO-LEGAL DIVISION


 
 

Hindi buto ng tao kundi buto ng manok ang nadiskubreng putol-putol na buto sa septic tank sa loob ng maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP). 

Ito ang kinumpirma ni Dr. Annalyne Dadiz, ng Medico Legal Team ng National Bureau of Investigation (NBI), kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights na nagsagawa ng public hearing sa NBP. 

Ayon kay Dadiz, na base sa ginawa nilang forensic identification sa pamamagitan ng proseso ng elimination at comparison sa buto na nakuha sa septic tank, lumalabas na hindi ito buto ng tao, kundi buto ng hita ng manok. 

Kaugnay dito, ipinagtaka naman ni Senate Committee on Justice Chairman Senator Francis Tolentino kung bakit sa litrato ay lumalabas na malalaki ang buto. 

Ngunit katwiran ni Dadiz, naka-zoom out aniya ang larawan kaya nagmukhang malaking buto ngunit kapag ikinumpara sa aktwal na buto ng hita ng manok ay parehong-pareho ito. 

Hihintayin naman ni Tolentino ang findings na ilalabas ngayong linggo ng isa pang forensic experts team mula sa University of the Philippines na sumuri rin sa mga butong natagpuan sa septic tank. 

Habang pinapaulit din ng senador ang isinagawang K9 inspection sa basketball court kung saan sa ilalim nito ay may isa pang septic tank para masiguro kung talagang walang human remains na naroroon.

Mababtid na ang imbestigasyon ay ginawa ng Senado matapos na ihayag ni Justice Secretary Crispin Remulla na ang putol-putol na katawan na natagpuan sa septic tank sa NBP ay katawan ng nawawalang preso na si Michael Cataroja simula pa noong Hulyo 15, na kinalaunan ay inamin din nitong biktima siya ng fake news at nilinaw na ang natagpuang bangkay ay nasa lugar ng Sputnik Gang at hindi sa septic tank. |Ni Teresa Iguid

Post a Comment

0 Comments

Search This Blog