Pinabulaanan ng Bureau of Fire Protection (BFP)- Boracay na pumapasok ang kanilang mga personnel sa mga establisyemento upang mag-alok o mag-benta ng fire extinguisher.
Sa panayam ng Radyo Bandera News Team kay FO1 Teody Mark Emilia, inihayag nito na hindi sakop ng kanilang trabaho ang mag-endorse ng anumang brand ng fire extinguisher sa mga ini-inspeksyon nilang establisyemento.
Nabatid kay Emilia na modus ng naturang babae ang pumasok sa mga establisyemento at magsagawa ng inspeksyon kung saan sasabihin nitong expired na ang kanilang mga fire extinguisher at dito na ire-rekomenda ang kaniyang fire extinguisher na nagkakahalaga ng P1,500.
Dahil dito, pinayuhan naman ni Emilia ang publiko na sakaling maulit ang kahalintulad na pangyayari, siguruhin na makuha ang pangalan/IDs ng mga ito, tingnan din kung nakasuot ang mga ito ng uniporme at makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan.
Samantala, patuloy naman ngayon na inaalam ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng naturang babae. |Ni Teresa Iguid

0 Comments