BARIL AT MGA BALA, NAREKOBER SA BAHAY NG ISANG MAGSASAKA SA BANGA MATAPOS NA SILBIHAN NG SEARCH WARRANT

  


Narekober ng mga otoridad ang caliber .22 revolver at mga bala sa bahay ng isang magsasaka matapos itong silbihan ng search warrant sa sarili nitong tahanan sa Sitio Kalintaan, Daja Norte sa bayan ng Banga. 

Sa panayam ng Radyo Bandera News Team kay PCPT. Benny Jones Mendoza ng Banga MPS, nakilala ang suspek kay Jovannie Montuya, 47-anyos, isang magsasaka at residente ng naturang lugar. 

Ayon kay Mendoza, isinilbi ang search warrant sa suspek matapos makaraang makatanggap sila ng mga reklamo na madalas na magpaputok ng baril si Montuya sa kanilang Barangay. 

Sa kabila naman aniya nito ay hindi na nagmatigas at kusa namang itinuro ni Montuya ang nakatago nitong baril kasama na ang mga bala. 

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Banga MPS ang suspek at nakatakdang maharap sa kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions Act.

Samantala, patuloy naman na nanawagan sa publiko si PCPT. Mendoza na sakaling mayroong mga itinatago na walang kaukulang dokumento na mga armas ay agad na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan para sa kaukulang hakbang at nang maiwasan na umabot pa sa pagkakaroon ng kaso. |Ni Teresa Iguid

 

Post a Comment

0 Comments

Search This Blog