KILOS PROTESTA NG ILANG GRUPO, BILANG PANININGIL AT HINDI PAGTUTOL SA GOBYERNO- TUGNA





KILOS PROTESTA NG ILANG GRUPO, BILANG PANININGIL AT HINDI PAGTUTOL SA GOBYERNO- TUGNA




Paniningil sa mga pangako ng gobyerno at hindi pagtutol dito ang mga sentimyentong ipinapaabot ng ilang grupo sa pamamagitan ng kilos protesta.



Ito ang sinabi ni Kim Tugna ng Bagong Alyansang Makabayan sa Programang Foro De Los Pueblos, makaraang matanong sa kanilang reaksyon sa nakatakdang State of the Nation Address (SONA) ni Presidente Ferdinand Marcos Jr., ngayong araw.



Ayon kay Tugna, marami na ang nagdaang Pangulo sa bansa na nangakong tutuldukan ang kahirapan at wawakasan ang korapsyon ngunit isa pa rin aniya ito sa mga kinakaharap na problema ng taumbayan.



Kaugnay dito, bibigyan naman aniya nito ng -10 na rating si Marcos matapos ang isang taong paninilbihan nito bilang Pangulo ng bansa.



Paliwanag ni Tugna, ito ay dahil sa loob pa lamang ng mahigit isang taon sa pwesto ay umabot na sa P119 bilyong piso ang utang ng Pilipinas na itinuturing nitong panibagong pahirap sa mga Pilipino na siyang magbabayad nito.



Pinuna rin nito ang madalas na paglabas ng bansa ni Marcos na sinasabi aniyang para sa pagpapabuti ng ekonomiya ngunit nakikita aniya nito bilang dagdag gastos lamang dahil sa bilyong pisong halaga ang nagagastos sa pangingibang bansa ng Pangulo.



Inilarawan din ni Tugna si Marcos bilang “puro salita pero walang gawa” dahil sa napakarami aniya nitong pangako noong panahon ng eleksyon na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin naisasakatuparan.



Dahil dito, nakatakda aniya nilang ipaabot ang kanilang sentimyento sa gobyerno bilang paalala sa kanilang mga ipinangakong hindi pa nagagawan ng aksyon.



Samantala handa rin aniya silang makinig sa SONA ni Marcos upang mabatid ang iba pang plano ng gobyerno. /Ni Teresa Iguid

Post a Comment

0 Comments

Search This Blog