17-ANYOS NA ESTUDYANTE SA BRAZIL, INATAKE ANG KANIYANG MATH TEACHER; PAGKADISGUSTO SA GURO, ISA SA MGA DAHILAN

 


[TRIGGER WARNING: SENSITIVE CONTENT]

Sugatan ang isang guro sa Brazil matapos siyang tinangkang saksakin ng isa sa kaniyang mga estudyante.

Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa Dr. Gerson dos Santos State School sa Cametá, isang lungsod sa hilagang-silangan ng estado ng Pará, Brazil.

Nakunan din ng video ang pangyayari, kung saan makikita ang isang 17-anyos na babae na nakatayo malapit sa lamesa ng guro na kinilala kay Betânia de Almeida.

Kapansin-pansin na biglang pinaglaruan ng estudyante ang kaniyang buhok bago ito bumunot ng hunting knife at tsaka sumugod sa guro.

Ikinagulat ng guro ang nangyari ngunit mabilis nitong nailagan ang bantang pananaksak ng estudyante at tsaka nakipag-agawan upang makuha ang hawak na kutsilyo.

Sa gitna ng pag-aagawan, mabilis na tumungo sa pintuan ang guro at tumakbo papalabas.

Isinugod ang guro sa ospital at hinuli naman ng mga awtoridad ang estudyante.

Ayon sa pulisya, sinabi ng estudyante na sinugod nito ang kaniyang guro dahil hindi niya ito gusto.

Maliban dito, hindi na nagbigay pa ng ibang impormasyon sa insidente ang mga pulisya ukol sa malalim pang motibo ng estudyante sa guro.

Maswerte namang walang malalim na natamong sugat ang guro kung kaya’t mabilis din itong na-discharge.

Dahil menor de edad pa lamang ang sangkot na estudyante, hindi ito kakasuhan kundi isasailalim ito sa socio-educational measure.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento

Hanapan ang Blog na Ito